
Rescue for Brgy. Panaytayan, Amomokpok, Binahan Proper, Pob. Iraya at Pob. Ilaod
Malugod po naming ipinapaalam sa lahat na ang mga pamilya na taga Brgy. Panaytayan, Amomokpok, Binahan Proper, Pob. Iraya at Pob. Ilaod na humingi ng tulong o rescue dahil sa pagtaas ng tubig sa kanilang kabahayan ay nasa maayos na kalagayan na at wala pong naitalang nasaktan o casualties. Sa kasalukuyan, ang ating Incident Management Team sa pangunguna ng inyong lingkod, Thaddy A. Ramos, katulong Ang Rescue Team ng PSO, BFP, PNP at Philippine Army ay patuloy na nag-iikot sa mga barangay upang matiyak na ang iba pang kailangan na ilikas o irescue ay mailagay sa ligtas at maayos na kalagayan.
Nais din po namin ipaalam na ang mag anak na pumalaot noong martes ng gabi na taga Brgy. Lower Omon ay napag alaman nang ligtas at kasalukuyang nasa Brgy. Binahian, Sipocot. Nakikipag ugnayan ang ating Opisyales ng Barangay para sa kanilang maayos na pag uwi.
Maraming salamat po sa mga tulong ninyo upang ipagbigay alam sa Emergency Operation Center ng ating bayan ang mga detalye ng mga kababayan natin na nangangailangan ng tulong. Higit po sa lahat, nagpapasalamat po tayo na sa kabila ng epekto na dala ni Bagyong Ulysses tulad ng pagbaha, landslides at pagkasira ng mga istruktura, tayo pong lahat dito sa Ragay ay pinangalagaan ng Maykapal upang maging ligtas.
Mayor Thaddy A. Ramos